Sino ang mga eskriba na laging nakikipagtalo kay Jesus?

Publish date: 2022-11-02

Ang mga eskriba sa sinaunang Israel ay mga nag-aral na tao na ang gawain ay pag-aralan ang Kautusan, isalin iyon, at sumulat ng mga komentaryo. Binabayaran din sila sa mga pagkakataon na kinakailangan ang isang dokumento o kung kinakailangan ang interpretasyon para sa isang legal na usapin. Si Ezra ay "isang eskriba na dalubhasa sa Kautusan ni Moises" (Ezra 7:6).

Lubhang siniseryoso ng mga eskriba ang pagganap sa kanilang trabaho sa pagpipreserba o pagpapanatili ng Kasulatan ng walang labis at walang kulang; napakametikuloso ng kanilang pagkopya, na binibilang kahit ang mga letra at espasyo para tiyaking tama ang kanilang pagkopya. Dapat nating pasalamatan ang mga eskribang Judio sa kanilang pagpreserba sa Lumang Tipan na bahagi ng ating Kasulatan.

Ang mga Judio ay mas nakilala bilang mga "tao ng Aklat" dahil sa kanilang tapat na pagaaral ng Kasulatan, partikular ang Kautusan at kung paano iyon susundin. Sa panahon ng Bagong Tipan, ang mga eskriba ay laging iniuugnay sa sekta ng mga Pariseo, bagama't hindi lahat ng mga Pariseo ay eskriba (tingnan ang Maeo 5:20; 12:38). Ang mga eskriba ay guro ng mga tao (Markos 1:22) at tagapagpaliwanag ng Kautusan. Iginagalang sila ng lahat sa komunidad dahil sa kanilang kaalaman, dedikasyon at panlabas na pagsunod sa Kautusan.

Gayunman, humigit ang mga eskriba sa pagpapaliwanag lang ng Kasulatan, at idinagdag ang maraming tradisyon ng tao sa Salita ng Diyos. Sila'y naging mga propesyonal sa pagpapaliwanag ng bawat letra ng Kasulatan habang ipinagwawalang bahala ang espiritu sa likod nito. Lumala ang siitwasyon anupa't ang mga regulasyon at mga tradisyon na idinagdag ng mga eskriba sa Kautusan ay itinuring na mas mahalaga sa mismong Kautusan. Ito ang nagtulak sa maraming komprontasyon sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo at mga eskriba. Sa pasimula ng Kanyang sermon sa bundok, ginulat ni Jesus ang Kanyang mga tagapakinig ng kanyang ideklara na ang katuwiran ng mga eskriba ay hindi sapat para makarating sila sa langit (Mateo 5:20). Pagkatapos, malaking bahagi ng sermon ni Jesus ay tumalakay sa mga itinuturo ng mga eskriba sa mga tao at kung ano ang talagang kalooban ng Diyos (Mateo 5:21–48). Sa pagtatapos ng ministeryo ni Jesus, lubos Niyang kinondena ang mga eskriba dahil sa kanilang pagpapaimbabaw (Mateo 23). Alam nila ang Kautusan, at itinuturo nila iyon sa iba, ngunit hindi nila iyon sinusunod.

Masigasig ang mga eskriba sa kanilang orihinal na layunin—ang malaman at maingatan ang Kautusan at himukin ang iba na sundin ito. Ngunit sumama ng husto ang senaryo ng mapalitan ng mga tradisyon ng tao ang Salita ng Diyos at ang pagpapanggap sa kabanalan ang pumalit sa tunay na kabalanan. Ang mga eskriba na ang sinumpaang layunin ay ingatan ang Salita ay aktwal na pinawalang bisa ang Kautusan sa pamamagitan ng mga tradisyon ng kaanilang mga ninuno (Markos 7:13).

Paano naligaw ang mga eskriba? Maaaring ito ay dahil sa pagkatapos na makaligtas ang mga Judio sa paguusig at pagkaalipin sa ibang bansa, ipinagmalaki nila na dahil sa kanilang pagsunod sa Kautusan, minarkahan sila bilang isang bayang hinirang ng Diyos. Ang mga lider ng relihiyon sa panahon ni Jesus ay may saloobin ng pagiging superyor kaysa iba (Juan 7:49), at ito ang saloobing nilabanan ni Jesus (Mateo 9:12). Ang mas malaking problema ay nagpapakitang tao lang ang mga eskriba. Mas interesado sila sa pagpapakita ng kabutihan sa panlabas sa harap ng mga tao sa halip na sa pagbibigay kasiyahan sa Diyos. Sa huli, ang mga eskriba din ang may malaking papel sa pagaresto at pagpapapako kay Cristo sa krus (Mateo 26:57; Markos 15:1; Lukas 22:1–2). Ang aral na matututunan ng bawat Kristiyano sa pagpapaimbabaw ng mga eskiba ay hindi nagagalak ang Diyos sa panlabas na anyo ng katuwiran. Ang nais niya ay panloob na pagbabago ng puso na laging sumusuko sa Diyos dahil sa pag-ibig at pagsunod kay Cristo.

English


Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang mga eskriba na laging nakikipagtalo kay Jesus?

ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZp6rm6e2o62Mg5ysraNjtbW5yw%3D%3D