Lumang Tipan at Bagong Tipan

Publish date: 2022-03-05

Habang ang Bibliya ay binubuo ng mga nagkakaisang aklat, may mga pagkakaiba din naman sa pagitan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Sa maraming kaparaanan, ang dalawang ito ay magkapareho. Ang Lumang Tipan ang pundasyon; ang Bagong Tipan naman ay itinayo sa pundasyon ng Lumang Tipan kalakip ang mga natupad na hula at mga kapahayagang mula sa Diyos. Ang Lumang Tipan ang nagtatag ng mga prinsipyo na naglalarawan ng mga katotohanan sa Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng maraming mga hula na naganap sa Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay nakatuon sa kasaysayan ng isang bansa; ang Bagong Tipan naman ay nakatuon sa isang Persona na nanggaling sa bansang ito. Ipinakikita sa Lumang Tipan ang poot ng Diyos laban sa kasalanan (habang may ilang sulyap sa kanyang biyaya); ipinakikita naman sa Bagong Tipan ang biyaya ng Diyos sa mga makasalanan (habang may sulyap sa Kanyang poot).

Hinuhulaan sa Lumang Tipan ang pagdating ng Mesiyas (tingnan ang Isaias 53), inihahayag naman sa Bagong Tipan kung sino ang Mesiyas (Juan 4:25, 26). Itinala sa Lumang Tipan ang pagbibigay ng Kautusan ng Diyos. Ang Bagong Tipan naman ay nagpapakita kung paano ginanap ng Mesiyas ang mga Kautusan ng Diyos (Mateo 5:17; Hebreo 10:9). Sa Lumang Tipan, ang pakikisama ng Diyos ay sa Kanyang bansang hinirang, ang mga Hudyo; sa Bagong Tipan naman, ang pakikisama ng Diyos ay sa Kanyang Iglesya (Mateo 16:18). Ang mga pisikal at materyal na pagpapala ay ipinangako sa Lumang Tipan (Deuteronomio 29:9), na nagbigay daan sa espiritwal na pagpapala sa Bagong Tipan (Efeso 1:3).

Ang mga hula sa Lumang Tipan na tumutukoy sa pagdating ng Kristo, ay kahanga hanga ang pagkakadetalye. Kahit ang mga mahirap na intindihing hula tungkol kay Kristo ay binigyang linaw at katuparan sa Bagong Tipan. Halimbawa, hinulaan ni Propeta Isaias ang tungkol sa kamatayan ng Mesiyas (Isaias 53), at ang pagtatatag ng Kanyang kaharian (Isaias 26). Hindi nagbigay si Isaias ng anumang ideya tungkol sa panahon sa pagitan ng Kanyang pagdurusa at sa pagtatayo ng Kanyang kaharian, kung ang dalawang pangyayaring ito ba ay magaganap sa loob ng ilang taon. Ngunit sa Bagong Tipan, naging maliwanag na may dalawang pagdating ang Mesiyas: sa Kanyang unang pagdating Siya ay magdurusa at mamamatay (at mabubuhay na mag-uli), at sa Kanyang ikalawang pagdating ay itatayo Niya ang kanyang Kaharian.

Dahil ang kapahayagan ng Diyos sa Kasulatan ay nagpapatuloy o progresibo, inihayag ng mas maliwanag sa Bagong Tipan ang mga prinsipyo na itinatag sa Lumang Tipan. Inilalarawan sa aklat ng Hebreo na si Hesus ang punong saserdote at kung paano Niya pinalitan ang lahat ng mga paghahandog sa Lumang Tipan na pawang mga anino lamang. Ang Korderong panghandog sa Lumang Tipan (Ezra 6:20), ay naging Kordero ng Diyos sa Bagong Tipan (Juan 1:29). Nilinaw ang kahulugan ng kautusan sa Bagong Tipan upang ipakita sa mga tao ang kanilang pangangailangan ng kaligtasan at ipinaliwanag na ang Kautusan ay hindi ginawa upang maging daan sa kaligtasan (Roma 3:19).

Nakita sa Lumang Tipan ang pagkawala ng paraiso para kay Adan; ipinakikita naman sa Bagong Tipan kung paanong muling nabawi ang paraiso sa pamamagitan ng ikalawang Adan (si Kristo). Ipinahayag sa Lumang Tipan na ang tao ay nahiwalay sa Diyos sa pamamagitan ng kasalanan (Genesis 3), ang Bagong Tipan naman ang naghahayag na maaari ng maibalik ang relasyon ng tao sa Diyos (Roma 3:26). Hinulaan sa Lumang Tipan ang buhay ng Mesiyas. Itinala sa apat na Ebanghelyo ang buhay ni Hesus habang ipinaliwanag naman sa mga sulat ng mga Apostol ang Kanyang buhay at kung paano tayo tutugon sa lahat ng Kanyang ginawa.

Sa pagbubuod, ang Lumang Tipan ang nagtatag ng pundasyon para sa pagdating ng Mesiyas na maghahandog ng Kanyang sarili para sa kasalanan ng sanlibutan (1 Juan 2:2). Ang Bagong Tipan ang nagtala ng ministeryo ni Hesu Kristo at nagpapaalala kung ano ang Kanyang ginawa at kung paano tayo tutugon doon. Ipinakilala sa dalawang Tipan ang banal, mahabagin at makatarungang Diyos na napopoot sa kasalanan ngunit inibig na iligtas ang makasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtubos. Sa parehong Tipan, ipinakilala sa atin ng Diyos ang Kanyang sarili at kung paano tayo makalalapit sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya (Genesis 15:6; Efeso 2:8) sa Panginoong Hesu Kristo.

English


Bumalik sa Tagalog Home Page

Lumang Tipan at Bagong Tipan - Ano ang pagkakaiba?

ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZqmZl6CurK3Im5hmhKWirq%2BzjHuYoKeenHqVtc%2BapWegpKK5