Kinakailangan bang mangilin ang mga Kristiyano sa araw ng Sabbath o Sabado?
Laging sinasabi na ang "Diyos ang nagtalaga ng araw ng pamamahinga sa hardin ng Eden" dahil sa relasyon ng araw ng pamamahinga sa paglalang sa Exodo 20:11. Bagama't nagpahinga ang Diyos sa ika-pitong araw na pumapatak sa araw ng Sabado (Genesis 2:3) walang tala sa Bibliya tungkol sa araw ng pamamahinga bago umalis ang bansang Israel sa Ehipto. Wala ring makikitang pahiwatig sa Bibliya na ipinapatupad na ang pangingilin sa araw ng pamamahinga mula sa panahon ni Adan hanggang kay Moises.
Ipinaliwanag sa Salita ng Diyos na ang pangingilin sa araw ng pamamahinga ay isang espesyal na kasunduan sa pagitan ng Diyos at Israel: “Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos. At sinabi sa kanya ni Yahweh, "Ito ang sabihin mo sa buong angkan ni Jacob, sa buong Israel. ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tulad ng pangangalaga ng isang agila sa kanyang mga inakay, kayo'y aking kinupkop. Kung susundin ninyo ako at hindi kayo sisira sa pakikipagtipan ko sa inyo, kayo ang magiging bayan kong hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi" (Exodo 19:3-5).
"Gawin ninyo sa loob ng anim na araw lahat ng kailangan ninyong gawin. Ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga at para sa akin. Papatayin ang sinumang gumawa sa araw na yaon. Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi habang panahon. Ito'y isang palatandaan ko at ng bansang Israel at mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw" (Exodo 31:16-17).
Sa Aklat ng Deuteronomio 5, inulit ni Moises ang Sampung Utos sa mga sumunod na henerasyon ng mga Israelita. Matapos ipagutos ang pangingilin sa araw ng pamamahinga sa mga talatang 12-15, ibinigay ni Moises ang dahilan kung bakit ibinigay ang araw ng pamamahinga sa Bansang Israel: 'Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng utos ko sa inyo. Anim na araw kayong gagawa ng inyong mga gawain ngunit ang ika-7 ay para sa akin; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag kayong magtatrabaho. Huwag din ninyong pagtatrabahuhin ang inyong mga anak, alipin, o alinman sa inyong mga hayop, ni ang mga nakikipamayan sa inyo. Ang inyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad ninyo. Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y inilabas ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko sa inyong ipangilin ang Araw ng Pamamahinga" (Deuteronomio 5:12-15).
Pansinin ang salitang "alalahanin ninyo". Ito ang intensiyon ng Diyos kung bakit ipinagutos Niya sa mga Israelita ang pangingilin sa Araw ng Pamamahinga. Malinaw sa mga talata sa itaas na ang Sabbath o Araw ng Pamamahinga ay ipinagutos ng Diyos hindi upang alalahanin ang paglalang kundi upang alalahanin nila ang kanilang pagkaalipin sa Ehipto at kung paano sila pinalaya ng Diyos mula doon. Ang mga sumusunod na batas ang nakapaloob sa pangingilin sa araw ng pamamahinga: ang nasa ilalim ng batas tungkol sa araw ng pamamahinga ay hindi maaaring umalis ng kanyang bahay sa araw na iyon (Exodo 16:29), hindi rin siya puwedeng gumawa ng apoy (Exodo 35:3), hindi rin siya pwedeng magtrabaho maging ang kanyang alipin (Deuteronomio 5:14). Ang taong susuway o lalabag sa batas ng araw ng pamamahinga ay papatayin (Exodo 31:15; Mga Bilang 15:32-35).
Ang pagaaral sa mga talata sa aklat ng Bagong Tipan ay nagpapakita sa atin ng apat na mga mahahalagang puntos: 1) Tuwing araw ng Linggo hindi araw ng pamamahinga nagpakita ang Panginoong Hesu Kristo pagkatapos na Siya ay mabuhay na mag-uli (Mateo 28:1, 9, 10; Marcos 16:9; Lucas 24:1, 13, 15; Juan 20:19, 26). 2) Ang tanging pagkakataon na binanggit ang araw ng pamamahinga mula sa aklat ng Mga Gawa hanggang sa aklat ng Pahayag ay upang ipalaganap ang Ebanghelyo sa mga Hudyo sa mga sinagoga (Mga Gawa kabanata 13-18). Sinulat ni Pablo, "At sa mga Judio, ako'y nagaring tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio" (1 Corinto 9:20). Hindi pumunta sa mga sinagoga si Pablo para makihalubilo at palakasin ang loob ng mga Kristiyano, sa halip para hanapin ang mga nawawala pa. 3) Minsan sinabi ni Pablo "buhat ngayo'y paparoon ako sa mga Gentil" (Mga Gawa 18:6), at mula noong hindi na siya nangaral sa mga Hudyo, hindi na muling nabanggit pa ang araw ng Pamamahinga. At 4) sa halip na ipanukala ang pagsunod sa araw ng Pamamahinga, ang natitirang bahagi ng Bagong Tipan ay nagpapahiwatig ng kabaligtaran.
Kung titingnang mabuti ang ika-apat na puntos, ipinapakita nito na walang obligasyon ang mananampalataya sa Bagong Tipan na mangilin sa araw ng pamamahinga, at ito'y nagpapatunay na sa halip na Sabado, ito ay ginawa ng araw ng Linggo. Matapos na ibaling ni Pablo ang pangangaral sa mga Hentil, may isang beses lamang na muling nabanggit ang araw ng pamamahinga at ito ay matatagpuan sa aklat ng Colosas. Sinabi niya, "Sinuman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath: Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo" (Colosas 2:16-17). Ang araw ng pamamahinga ng mga Hudyo ay pinawalang-bisa na sa Krus kung saan "pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin" (Colosas 2:14).
Ang konsepto na binago na ng Diyos ang araw ng Sabbath ay paulit-ulit na binanggit sa Bagong Tipan: "May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip. Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Diyos" (Roma 14:5-6a). "Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Diyos, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Diyos, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin? Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon" (Galacia 4:9-10).
Ipinapalagay ng ilan na napalitan lang ang araw ng Pamamahinga (Sabado) ng araw ngLinggo ng gawin diumano ni Emperador Constantino ang isang kautusan na nagbabago sa araw ng Pamamahinga noong A.D. 321. Ngunit kung susuriin, ang pagpapalit ng araw ng pamamahinga mula araw ng Sabado sa araw ng Linggo ay nangyari na pagkatapos na mabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo. Hindi kailanman binanggit sa Bibliya ang alinmang araw ng Sabado kung kailan nagkakatipon tipon ang mga mananampalataya upang sumamba at makihalubilo sa bawat isa. Sa halip, may mga malinaw na talata sa Bibliya na bumabanggit sa unang araw ng sanLinggo at iyon ay araw ng Linggo hindi Sabado. Sinasabi ng Mga Gawa 20:7, "At nang unang araw ng sangLinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay." Sinasabi rin sa 1 Corinto 16:2, Hinihikayat ni Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto tuwing unang araw ng sanLinggo, “na magbukod na ang bawat isa ng halagang makakaya, at ipunin iyon upang hindi na kailanganin pang manghingi ng abuloy pagpariyan ko." Dahil sa itinuro ni Pablo ang mga nalikom na ito bilang "handog" sa 2 Corinto 9:12. Ang ganitong koleksiyon ay maaaring ginaganap tuwing unang araw ng sanLinggo na siya ring araw ng Linggo. Sa mga nagdaang panahon, ang Linggo at hindi ang araw ng Sabado ang nakaugaliang araw ng pagtitipon ng mga Kristiyano sa pananambahan at ang ganitong gawi ay nagsimula pa noong unang siglo.
Ang araw ng pamamahinga ay ibinigay sa Israel, at hindi sa iglesia. Ang araw ng pamamahinga ay nananatiling araw ng Sabado, hindi Linggo, at kailanma'y hindi ito nabago. Subalit ang araw ng pamamahinga ay bahagi ng batas ng Lumang Tipan, at ang mga Kristiyano ay malaya na mula sa pagkaalipin sa naturang batas (Galacia 4:1-26; Roma 6:14). Ang pangingilin sa araw ng pamamahinga ay hindi ipinaguutos sa mga Kristiyano kung Sabado man ito o Linggo. Ang unang araw ng Linggo ang Araw ng Panginoon (Pahayag 1:10). Si Kristo ang ating muling nabuhay na Panginoon ay nabuhay na mag-uli noong araw ng Linggo. Hindi tayo obligado na sundin ang mga batas sa Lumang Tipan tungkol sa araw ng pamamahinga o Sabbath, sa halip malaya na tayong sundin ang nabuhay na mag-uling Kristo. Sinabi ni Pablo na desisyon ng Kristiyano kung anong araw siya pwedeng maglaan ng panahon sa Panginoon para sumamba at makisama sa kanyang mga kapwa mga mananampalataya. "May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip" (Roma 14:5). Hindi lamang sa araw ng Sabado o araw ng pamamahinga o di kaya'y araw ng Linggo lamang nararapat na sumamba sa Diyos. Dapat nating sambahin ang Diyos sa araw-araw ng ating mga buhay.
Bumalik sa Tagalog Home Page
Kinakailangan bang mangilin ang mga Kristiyano sa araw ng Sabbath o Sabado?
ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZqmZnZa6orTIp56aZaOWr6KwzmajoqaXnLxvtNOmow%3D%3D