Ano verbal plenary inspiration (pangkalahatang pagkasi sa salita ng Diyos)?

Publish date: 2023-03-20

Ang Bibliya ang Salita ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ay isinulat ng mga tao, ngunit pinasulat sila at ginabayan ng Diyos para itala ang kanilang mga ginawa. Ang bawat salita, anyo ng salita, at lugar ng salita sa orihinal na manuskrito ng Bibliya ay intensyonal na ipinasulat ng Diyos. Ito ang sinaunang pananaw ng iglesya na tinatawag na verbal plenary inspiration (pangkalahatang pagkasi sa salita ng Diyos).

Ang inspirasyon o pagkasi, o ang katangian ng pagiging “hininga ng Diyos,” ay tumutukoy sa katotohanan na mahimalang ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya para isulat ng eksakto ang nais Niyang ipahayag. Ang lahat sa Kasulatan ay naroon dahil iyon ang nais sabihin ng Diyos sa sangkatauhan. Ang saklaw ng pagkasi ay tinatawag sa pamamagitan ng dalawang salita na verbal (salita) at plenary (pangkalahatan). Ang salitang verbal ay nangangahulugan na ang bawat salita sa Bibliya ay hiningahan ng Diyos. Ang bawat isang salita, hindi lamang ang mga ideya sa likod ng mga salita, ay nasa Bibliya dahil nais ng Diyos na naroroon sila. Ang salitang plenary o pangkalahatan ay nangangahulugan ng pagigiging “kumpleto at buo;” na kung ginagamit para ilarawan ang pagkasi sa Salita ng Diyos, ito ay nangangahulugan na ang lahat na bahagi ng Bibliya ay nanggaling lahat sa Diyos at pantay ang kapangyarihan.

Itinuro ni Pablo ang pangkalahatang pagkasi ng Diyos sa Kanyang salita. Isinulat niya sa Galacia 3:16, “gayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay hindi marami kundi isahan, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo.” Ginamit ni Pablo ang bilang ng pangngalan— ang katotohanan na sumulat si Moises ng pangisahang pangngalan hindi pangmaramihan—bilang basehan ng kanyang argumento na ginanap ni Jesus ang tipan. Sumusuporta ito sa pangkalahatang pagkasi. Sa Roma 15:4, isinulat ni Pablo na “Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin…” at sa 2 Timoteo 3:16 ay kanyang sinabi, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos…” Ang salitang bawat o lahat ay sumusuporta sa doktrina ng pangkalahatang pagkasi.

Sinasabi sa 2 Pedro 1:21, “Sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” Ang talatang ito ay nagsasaad kung paanong pinangunahan ng Diyos ang mga taong manunulat para isulat ang Kasulatan. Ang mga lalaki ay sumulat habang “pinapatnubayan” sila ng Banal na Espiritu. Ang ating mga nababasa sa Bibliya ay tunay na mga salita ng Diyos para sa atin. Ayon kay Jesus, kahit na ang pinakamaliit na letra o tudlik sa loob ng isang salita at ang pinakamaliit na tala ng panulat sa loob ng isang salita ay idinisenyo ng Diyos at tiyak na magaganap (Mateo 5:18).

Ang terminolohiyang “pangkalahatang pagkasi” ay hindi dapat pakahuluganan na ang mga salita mismo sa Bibliya ay “banal.” Ang salitang Griyegong halas (“asin” sa Mateo 5:13) ay hindi “banal” dahil ito ay matatagpuan sa Bibliya. Ang iba pang mga Kasulatan ay naglalaman din ng salitang “halas.” Ang ibang mga sulat na hindi kinasihan ng Diyos ay nagtataglay din ng salitang “halas” at ang paggamit nila ng salita ay hindi espesyal. Ang ibig sabihin ng pangkalahatang pagkasi ng Diyos sa Kanyang salita ay nangangahulugan na ang lahat na mga salita, anyo ng mga salita, kumbinasyon ng mga salita at ang paggamit ng mga salita sa Bibliya ay mismong intensyon ng Diyos para sa Kasulatan. Ang mga salita, parirala, at mga sugnay ay gumagawang magkakasama para ibigay sa atin ang Kanyang mensahe, at ang bawat bahagi ng Kasulatan ay nasa kanya-kanyang lugar para sa layunin ng Diyos.

Ang verbal plenary inspiration ay mailalapat lamang sa orihinal na mga manuskrito ng mga aklat ng Bibliya. Ang mga salin ng Bibliya na nasa atin ngayon ay ginawa ng mga iskolar at pinagaralan ang mga kopya ng mga orihinal na manuskrito, ngunit ang doktrina ng pagkasi ng Diyos ay hindi totoo para sa mga salin. Mas maraming makabagong salin ang mapagkakatiwalaan, ngunit walang kahit isang salin ang “hiningahan” ng Diyos at kapantay ng mga orihinal na manuskrito. Ang pagkasi ng Diyos ay para lamang sa mga orihinal na manuskrito hindi sa mga salin.

Gayundin, ang doktrina ng verbal plenary inspiration ay hindi nangangahulugan na kinukunsinti o hinihimok ng Diyos ang lahat ng mga aksyon na nakatala sa Bibliya. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na ang pagpatay ay kasalanan, pero kinasihan din Niya ang mga tala sa kasaysayan ng mga tao na pumatay ng tao. Kaya, ang Bibliya ay naglalaman ng mga tunay na kasaysayan gayundin ng tagubilin ng Diyos patungkol sa moralidad. Ang Sampung Utos ay kinasihan ng Diyos, gayundin ang tala tungkol sa pagpatay ni Absalom kay Amnon; ang parehong talata ay nagtuturo at kinasihan ng Diyos. Ang interpretasyon at aplikasyon ng Sampung Utos ay kakaiba sa kuwento ng buhay ni Absalom at nangangailangan ng biblikal na pagaaral sa mga talata o biblical hermeneutics para maunawaan ng tama ang kuwento.

Ang verbal plenary inspiration ay isang mahalagang konsepto at saligan ng pananampalatayang Kristiyano. Saklaw ng pagkasi ng Diyos sa teksto ng Kasulatan ang mismong mga salita at lahat ng bahagi ng Kasulatan, salungat sa paniniwala na ilang bahagi lamang ng Kasulatan ang kinasihan o hiningahan ng Diyos o tanging ang mga kaisipan at mga konsepto na tumatalakay lamang sa relihiyon ang kinasihan ng Diyos. Ang verbal plenary inspiration ay isang mahalagang katangian ng Salita ng Diyos dahil ipinapakilala ng Kanyang mga Salita kung Sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin sa pamamagitan ni Cristo (tingnan ang Juan 5:39–40; Gawa 8:35).

English


Bumalik sa Tagalog Home Page

plenaryo verbal inspirasyon pagkasi?

ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZqmklaOus8XOZq2eqpKWuW61zaynoqqRqMawuoypmKCjkai2b7TTpqM%3D