Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bampira?
Ang kasikatan ng nobelang Twilight series ang bumuhay sa panibagong interes ng mga tao tungkol sa mga bampira. Ang bampira ay isang karakter sa mitolohiya na sinasabing nabubuhay sa pamamagitan ng pag-inom ng dugo ng tao, karaniwan sa pamamagitan ng pagkagat sa leeg ng biktima at pagkatapos ay sisipsipin ang dugo niyon at muling hahanap ng mabibiktima. Ang alamat ng bampira ay nagmula sa Silangang Europa noong panahong Medieval bagamat may iba’t ibang kwento rin tungkol sa mga nilalang na katulad ng bampira sa Africa, Asia, at America.
Ang kasalukuyang Twilight series ay nag-ugat sa dalawang nobelang romantiko noong ika-19 siglo, sa The Vampyre ni John Polidori (1819) at Dracula ni Bram Stoker (1897). Ang dalawang librong ito ang pinagkunan ng ideya ng mga kasalukuyang mga kathang isip tungkol sa pagiibigan sa pagitan ng bampira at ng tao. Ang mapanuksong “halik ng bampira” ay lumikha ng nakakagayumang hiwaga, lalo na para sa mga kabataang babae at ang hiwagang ito, maging ang syndrome ng “bawal na bunga” ang basehan ng kasikatan ng Twilight series. Ang romantikong atraksyong sekswal ng isang magalang at sopistikadong bampira na ginagampanan ni Frank Langella sa pelikulang Dracula (1979) ay isang halimbawa ng gayuma ng bampira. Ang katagang ginagamit ng pelikula ay, “sa buong kasaysayan, pinuno niya ng takot ang puso ng mga lalaki, at ng pagnanasa ang puso ng mga babae.”
Habang ang mga pantasyang gaya ng Twilight ay maaaring hindi makapipinsala sa maraming aspeto, ang obsesyon sa mga bampira – o sa mga mangkukulam, multo at iba pang mga karakter sa okultismo — ay makakasama at mapanganib. Nakadepende ito sa espiritwal na estado ng isang tao na napupukaw ang interes sa mga karakter na ito. Halimbawa, ang isang batang babae na hindi kayang magpigil ng emosyon, na walang kinikilalang modelo sa tahanan at kabilang sa isang pamilya na magulo at walang tiwala sa sarili ay maaaring malagay sa panganib ng hindi malusog na interes sa okultismo. Ang interes na ito ay maaaring maging bukas na pinto upang makapasok ang mga demonyo sa kanyang isip at espiritu. Alam natin na si Satanas, ang kaaway ng ating kaluluwa ay “gumagala at tulad sa isang leong umaatungal na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). Ito ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ng Diyos ang mga gawain ng okultismo at inilarawan ang mga ito na “kasuklam suklam” at “hindi kanais nais” sa Kanya (Deuteronomio 18:9-12).
Ano ang dapat na maging pananaw ng mga Kristiyano tungkol sa mga bampira at mga kuwentong bampira? Ipinaalala sa atin sa Filipos 4:8 na punuin natin ang ating isip ng mga bagay na “totoo, kagalang galang, matuwid, malinis, kaibig-ibig, magaling at kapuri puri.” Habang may mga elemento ng karangalan sa mga serye ng Twilight, may mga elemento din ng kasamaan at okultismo. May napakalakas na atraksyon ang “bayani” ng aklat na nagngangalang “Edward,” na isang bampira. Ang binatang ito ay gwapo, malakas ang karisma at nakakaakit sa mga kabataang babae. Buong kasanayang inilarawan ng manunulat ang isang maganda, romantiko at halos perpektong karakter, isang uri ng lalaki na nanaisin ng karamihan ng kabataang babae. Ang problema ay ang sobrang pagidolo sa karakter na ito at ang obsesyon sa paghahanap ng isang lalaking katulad niya. Walang sinumang lalaki sa mundo ang magtataglay ng parehong karakter ni Edward. Dapat na hanapin ng mga kabataang Kristiyano at ng mga kabataang babae ang kagandahan at perpeksyon ni Kristo. Kung mauunawan nila ang pamantayan ng tunay na kagandahan at karakter, makakaya nilang kilalanin ang mga ito sa isang kabataang lalaki na ninanais ng Diyos para sa kanila upang kanilang maging kabiyak sa hinaharap.
Nangangahulugan ba ito na dapat iwasan ng mga Kristiyano ang mga pelikula at mga kathang isip na babasahin tungkol sa mga bampira? Para sa ibang pamilya, ang sagot ay oo. Para sa iba, ang sagot ay hindi. Maaaring ipabasa ang mga librong ito ng mga magulang sa kanilang mga anak na interesado sa serye ng Twilight, pagkatapos ay talakayin ito kasama ang kanilang mga anak at ituro sa kanila ang mga aspeto na sumasalungat sa Salita ng Diyos. Ang isang matalinong pagtalakay ay makakapagalis ng mistikal na aspeto na nakapaloob sa alamat ng mga bampira. Sa huli, ang pagdedesisyon tungkol sa pagbabasa ng anumang babasahin para sa mga kabataan ay responsibilidad pa rin ng mga magulang.
Bumalik sa Tagalog Home Page
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga bampira?
ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZpuZnaW2s62NoaumpA%3D%3D