Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamangmangan?

Publish date: 2023-02-23

Ang kamangmangan ay resulta ng maling paggamit ng tao ng karunungang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Ginagamit ng isang mangmang ang kanyang pangangatwiran para gumawa ng mga maling desisyon. Ang pinakapangkaraniwang uri ng kamangmangan ay ang pagtanggi sa pagiral ng Diyos o pagsasabi ng "hindi" sa Diyos (Awit 14:1). Inihahalintulad ng Bibliya ang kamangmangan sa ugaling pabigla-bigla o padalos-dalos (Kawikaan 14:16–17), masamang pananalita (Kawikaan 19:1), at pagsuway sa mga magulang (Kawikaan 15:5). Isinilang tayo na may likas na kamangmangan, ngunit ang disiplina ang tutulong sa atin para magkaroon ng karunungan (Kawikaan 22:15).

Sinasabi sa Kawikaan 19:3 na ang kamangmangan ay walang pakinabang: "Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili, pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi." Sa Markos 7:22, ginamit ni Jesus ang isang salita na nangangahulugang "walang kwenta" at isinalin sa salitang "kamangmangan." Sa konteksto ng talata, inilalarawan ni Jesus kung ano ang nagmumula sa puso ng tao at nagpaparumi sa kanya. Ang kamangmangan ang isa sa mga ebidensya na ang isang tao ay marumi at may makasalanang kalikasan. Sinasabi sa Kawikaan 24:9, "Anumang pakana ng masama ay kasalanan..." Ang kamangmangan kung gayon, ay ang paglabag sa utos ng Diyos, dahil ang kasalanan ay pagsuway sa batas (1 Juan 3:4).

Para sa mga mangmang, ang paraan ng Diyos ay kamangmangan: "Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga taong napapahamak…" (1 Corinto 1:18; t. 23). Tila kamangmangan ang Ebanghelyo sa mga hindi ligtas dahil hindi nila ito maintindihan. Ganap na taliwas ang mangmang sa karunungan ng Diyos. Lumalaban ang Ebanghelyo sa likas na katalinuhan at pangangatwiran ng mga hindi mananampalataya, gayunman, "… minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kamangmangan" (1 Corinto 1:21).

Ang mga sumasampalataya kay Cristo ay tumanggap ng mismong kalikasan ng Diyos (2 Pedro 1:4), kasama ang isipan ni Cristo (1 Corinto 2:16). Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng nananahang Banal na Espiritu, maaaring tanggihan ng mananampalataya ang kamangmangan. Maaaring bigyang kasiyahan ng kanyang isip ang Diyos at makagawa ng mga desisyon na lumuluwalhati sa Diyos habang pinagyayaman ang kanyang buhay at ang buhay ng mga nakapalibot sa kanya (Filipos 4:8–9; Efeso 5:18—6:4).

Pagdating sa ating walang hanggang hantungan, walang ibang pagpipilian. Maaaring ang isa ay mangmang na nangangahulugan na tinatanggihan niya ang Ebanghelyo ni Cristo o ang isa ay matalino na nangangahulugan na sumasampalataya siya kay Cristo at itinatalaga niya ang kanyang buhay sa Kanya (tingnan ang Mateo 7:24–27). Natuklasan ng mananampalataya na ang Ebanghelyo—na inakala niya noong kamangmangan—sa katotohanan, ay ang karunungan ng Diyos na nagbibigay sa kanya ng walang hanggang kaligtasan.

English


Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamangmangan?

ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZpuhkqG2uq2MpJimmZ6cuqK6xpqlZ6Ckork%3D