Ano ang ibig sabihin ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan?

Publish date: 2022-10-14

Bagama't may mga tao na naniniwala na ang paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan ay tumutukoy sa paggamit ng pangalan ng Panginoon sa panunungayaw o pagmumura, napakarami pang aspeto ang nakapaloob sa paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Upang maunawaan ang bigat ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan, dapat muna nating maunawaan ang Pangalan ng Panginoon mula sa Kanyang perspektibo gaya ng sinasabi sa Kasulatan. Ang Diyos ng Israel ay kilala sa maraming pangalan at titulo, ngunit ang konsepto na nakapaloob sa pangalan ng Diyos ay may mahalaga at natatanging papel sa Bibliya. Ang kalikasan at katangian ng Diyos, ang kabuuan ng Kanyang persona, lalo't higit ang Kanyang kaluwalhatian ay nasasalamin sa Kanyang pangalan (Awit 8:1). Sinasabi sa atin sa Awit 111:9 na ang Kanyang pangalan ay "banal at kamangha-mangha," kaya nga't ang Panalangin ng Panginoon ay nagumpisa sa pariralang "sambahin ang pangalan Mo" (Mateo 6:9), isang indikasyon na ang pagpipitagan sa Diyos at sa Kanyang pangalan ay dapat na pangunahing sangkap sa ating mga panalangin. Napakadalas na lumalapit tayo sa presensya ng Diyos na may dala-dalang mga "listahan ng mga gawain" para sa Kanya, at hindi natin naiisaalang-alang minsan ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, at ang napakalaking pagitan na naghihiwalay sa atin at sa Kanyang kalikasan. Ang pagpapahintulot Niya sa atin na lumapit sa Kanyang trono ay dahil lamang sa Kanyang kahabagan, biyaya, at pag-ibig (Hebreo 4:16). Hindi natin dapat na ipagwalang bahala ang katotohanan ng Kanyang biyaya.

Dahil sa kadakilaan ng pangalan ng Diyos, anumang paggamit dito na magbabalewala sa Kanyang karangalan at sa Kanyang katangian ay paggamit sa Kanyang pangalan sa walang kabuluhan, Ang ikatlo sa Sampung Utos ng Diyos ay nagbabawal sa paggamit sa pangalan ng Diyos na nagpapakita ng kawalang galang sa Kanya. Ang isang tao na gagamit sa pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan ay "aariing may sala ng Panginoon" (Exodo 20:7). Sa Lumang Tipan, ang hindi pagtupad sa isang pangako sa pangalan ng Diyos ay paggamit sa pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan (Levitico 19:12). Ang isang tao na ginamit ang pangalan ng Diyos upang gawing lehitimo ang isang pangako at pagkatapos ay sisira sa pangakong iyon ay nagpapahiwatig ng kawalan ng paggalang sa Diyos gayundin ng kawalang takot sa Kanyang Banal na paghihiganti. Sa esensya, ito ay katumbas ng pagtanggi sa pagiral ng Diyos. Gayunman, para sa mga mananampalataya, hindi na kailangang sumumpa gamit ang pangalan ng Diyos dahil hindi tayo pinapahintulutang gawin ito sa isang banda. Ang ating oo ay dapat na maging oo at ang ating hindi ay dapat na maging hindi (Mateo 5:33-37).

Mas malaki ang posibilidad na magamit ng mga tao sa ngayon ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Ang mga gumagamit sa pangalan ni Kristo, nananalangin sa Kanyang pangalan at nakikibahagi sa Kanyang pangalan para sa kanilang pagkakakilanlan, ngunit tahasang sumusuway sa Kanyang mga utos ay gumagamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Binigyan si Hesus ng pangalang higit sa alinmang pangalan, at ang bawat tuhod ay luluhod sa Kanya (Filipos 2:9-10), at kung ginagamit natin ang salitang "Kristiyano" para sa ating sarili, dapat natin itong gawin ng may pangunawa sa kung ano ang ibig nitong sabihin. Kung nagpapakilala tayo bilang Kristiyano, ngunit kumikilos, nagiisip, at nagsasalita tayo sa isang makamundo at makasalanang pamamaraan, ginagamit natin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Kung hindi tayo namumuhay ayon sa kagustuhan ng Panginoong Hesu Kristo, intensyonal man o dahil sa kamangmangan sa Kristiyanong pananampalataya na gaya ng isinasaad sa Kasulatan, ginagamit natin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Kung sinasabi natin na iniibig natin Siya, ngunit hindi naman natin sinusunod ang Kanyang mga utos (Lukas 6:46), ginagamit natin ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan at nanganganib tayo na marinig ang Kanyang mga pananalitang, "Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit" (Mateo 7:21-23).

Ang pangalan ng Panginoon ay banal, dahil Siya ay banal. Ang pangalan ng Panginoon ang representasyon ng Kanyang kaluwalhatian, ng Kanyang karangalan, at ng Kanyang pagka-Diyos. Dapat nating pagpitaganan at parangalan ang Kanyang pangalan kung paanong iginagalang at sinasamba natin ang Diyos mismo. Ang hindi paggalang sa Kanyang pangalan ay paggamit sa Kanyang pangalan sa walang kabuluhan.

English


Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng paggamit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan?

ncG1vNJzZmivp6x7qLvTqqyeq6SevK%2B%2FjaipoGeElrSiuM6gZqmZnpyura3NZnuisZ%2Boerity5qloGWblq%2B2uNShmKdmmKm6rQ%3D%3D